Achieving Happiness

November 11, 2009

Dalaw ni Hillary Clinton, ano kaya ang tunay na layon?

Filed under: Uncategorized — Ina Alleco @ 12:07 pm

HCParating na si US Secretary of State Hillary Clinton. Partikular na layunin daw niya ang alamin ang kalagayan ng mga biktima ng mga nagdaang bagyong Ondoy at Pepeng. Si US Ambassador Kristie Kenney ang nagsabi nito, at ayon pa sa kanya, walang matinding pulitika ang pagdalaw dito ni Clinton. Hindi daw pag-uusapan ang Visiting Forces of the Philippines (VFA). Hindi daw pag-uusapan ang naiipit na tulong militar ng US sa Pilipinas. Ang mga biktima ng kalamidad daw ang pokus ni Clinton.

Ang tanong, may naniwawala ba dito?

Ang hirap paniwalaan ang mga paliwanag ni Kenney na relatibong ‘mababaw’ at ‘makatao’ ang layunin ng pagpunta dito ng ikatlong pinaka-makapangyarihang opisyales ng pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Hindi pipitsuging opisyales si Clinton, hindi siya mascot na walang utak, at may bigat ang kanyang mga sinasabi para sa US foreign policy ng administrasyong Obama at sa kalagayan ng mga relasyon nito at pakikitungo sa ibang gobyerno’t bansa.

Pupunta siya sa Pilipinas para alamin kung ilan ang rubber boats na nabili? Kung kamusta ang mga toilet sa mga evacuation centers? Kung humupa na ang mga baha sa mga nasalantang lugar at probinsya? Eeksaminin niya ang kalidad ng pinamimigay na relief goods — kung may bukbok ang bigas, kung expired ang mga delata?

Sino ba ang niloloko ni Kenney at ng kanyang pamahalaan? Walang ginawang hakbang ang US na walang kahalagahan sa pandaigdigang agenda nito. Hindi kailanman umaastang simpleng turista ang mga opisyales ng White House o ng Pentagon; hindi rin sila mga tipong ambassadors of goodwill na namimigay ng mga kahon ng gatas sa mga feeding centers.

Ang hindi maikakaila ay may seryosong pakay si Hillary Clinton sa Pilipinas, kay pekeng pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo; at kung ano ang mga pakay na ito ay madaling hulaan.

Isang mala-kolonya ng US ang Pilipinas. Walang nagbago sa relasyong amo at alipin sa pagitan ng dalawang bansa. Pag sinabi ng US na ‘talon!’, ang sagot ng Pilipinas ay ‘gaano kataas?’

Wala ring makitang kaibahang malaki sa nagdaang rehimen ni George W. Bush at ng bagong gobyerno ni Barack Obama — hayaan at tuloy pa rin ang panghihimasok ng US sa internal at security affairs ng ibang bansa, ayan at tuloy pa rin ang pagpapadala ng mga sundalo sa Afghanistan (kahit talagang bugbog sarado na ang mga tropang Kano at hindi iilan ang umuwi sa mga saradong kabaong na hindi pwedeng buksan dahil sa kaawa-awang lagay ng mga katawang sumabog kasabay ng mga improvised explosive devices ng Taliban).

Hindi pa rin nababawasan ang kapal ng mukha ng US na bantaan ang mga bansang Iran at North Korea dahil nangangahas sila na paunlarin ang kani-kanilang kakayanang nukleyar.

Samantala, matindi din ang kalagayang pang-ekonomya ng US– hindi pa rin nakakabangong buo mula sa matinding resesyon, at mataas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho, nawalan ng trabaho, kulang sa trabaho. Gera pa rin ang hinaharap ng mga sinasabing reporma sa sistemang pangkalusugan at iba pang serbisyo sosyal na talagang tinamaan ng mga balikong patakarang kontra-mahirap ng nagdaang gobyerno.

Sa harap ng napakaraming isyung kinakaharap ng US, ipapadala ba nito ang  isang mataas na opisyales para lang tignan ang lagay ng bansang sinalanta ng mga lampas-taong baha at malagim na pagguho ng lupa?

Pasensya na kung di ako maniwala na may humanitarian side ang gobyerno ng US; na hindi ko kayang hwag magsuspetsya na may seryoso — at masama– na pakay ang US pag may pinapadala silang opisyales sa bayan ko.

Ilang buwan na lang at eleksyon na. Gustong tiyakin ng US na may halalan ngang magaganap, at may uupo na hindi kaaway ng US.

Gusto rin ng US na tiyakin na mananatiling postehan ang Pilipinas ng mga Amerikanong tropang militar; na hindi matitibag ang VFA.

Sa dalawang isyung ito, marami nang maaring pag-usapan kaugnay sa soberenya ng Pilipinas at ang kabulukan ng gobyernong walang kakurap-kurap na sunod-sunuran sa mga dikta ng dayuhang kapangyarihan.

Hindi man tuwiran o diretsahang banggitin ni Clinton ang mga tunay na dahilan ng kanyang dalaw, tiyak namang nagkaka-intindihan na ang gobyernong US at Pilipinas. Kumbaga, nangangamusta lang…

Haharap si Clinton si mga peryodista at mamamahayag bukas. Ano-ano naman kayang kasinungalingan, pambobola at pampapa-lubag loob ang ang kanyang sasabihin?

Advertisements

2 Comments »

  1. talagah….

    to2o
    bvah
    yan…

    Comment by jhona — November 19, 2009 @ 6:03 am

  2. ahhmmmmmmmmmmmmm………………kasinungalingan!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

    Comment by Anonymous — November 30, 2009 @ 3:06 am


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: